Sustainable culinary traditions at food waste solutions, sentro ng Cornucopia Fair sa Angeles City
By Kath Chiang, CLTV36 News
Naging sentro ng katatapos lamang na “Cornucopia: A Sustainability Fair” sa Angeles City ang pagbabahagi ng kaalaman sa Bokashi composting at mga katutubong pamamaraan sa pagluluto.


Ang aktibidad, na idinaos ng Brightwoods School at Happy Earth Eco nitong September 11, ay naghatid ng mga praktikal na hakbang laban sa lumalalang food waste at pagkasira ng kalikasan.
Sa naturang event, ipinakita ang pagbuburo ng kitchen scraps o mga tirang pagkain para mabawasan ang basurang napupunta sa mga landfill na nagdudulot ng mapanganib na methane emissions. Itinampok din dito ang tradisyon ng mga Ayta Mag-Antsi at Mag-Indi sa pagprotekta sa kalikasan para sa mga susunod na henerasyon na ibinahagi ng culture bearer na si Ms. Mariel Capuno.
Kasabay nito, inilatag naman ni Chef Laorence Castillo ang kanyang food mapping project sa indigenous communities Zambales at Aurora, kung saan binalaan niya ang publiko sa banta ng mga pagbaha, solar farms, at AI data centers sa mga katutubong pananim at lokal na suplay ng pagkain.
Para ipakita ang kahalagahan ng sustainable culinary traditions, nagkaroon din ng cooking demonstration ng tradisyunal na Kapampangan ‘putung babi’ gamit ang lokal na pananim na gabi.
Ang pagtitipon ay dinaluhan ng mga estudyante, kanilang mga pamilya, environmental advocates, NGOs, social enterprises, at mga opisyal ng lokal na pamahalaan. #
