25 aso’t pusa, natagpuang itinapon sa Bulacan sa halip na i-cremate; iba pang tapunan, nadiskubre

Iniimbestigahan na ang umano’y iregularidad sa isang pet crematorium sa Bacoor City, Cavite makaraang matagpuan ang dalawampu’t limang labi ng aso at pusa na dapat sana’y sumailalim sa cremation ngunit itinapon sa San Jose del Monte City, Bulacan.
Natuklasan ang mga labi sa loob ng mga sako sa Barangay Minuyan Proper noong October 30, nang ireklamo ng mga residente ang masangsang na amoy mula sa isang bakanteng lote.
Ayon sa animal rescue group na Luna and Furry Siblings, may nakasulat pang pangalan at timbang ng mga hayop sa mga supot kaya natukoy ang ilan sa kanilang mga fur parent.
Iniugnay ang mga labi sa Ahjay Paws Aftercare Pet Crematorium sa Bacoor. Reklamo ng mga pet owner, nagbayad sila para sa cremation ngunit hindi raw natanggap ang abo ng kanilang mga alaga.
Dahil dito, ipinasara ng Bacoor LGU ang naturang pasilidad matapos umanong hindi makapagpakita ang may-ari ng sapat na dokumento, CCTV footage at iba pang patunay na isinagawa ang cremation. Hindi rin daw matiyak kung ang mga abong ibinigay sa mga kliyente ay tunay na mula sa kanilang mga alaga.
Hindi lang yan, nadiskubre naman nitong November 2 ang dalawa pang pinaghihinalaang tapunan ng mga labi ng hayop sa Barangay Minuyan IV at Minuyan V. Inaalam pa ng mga otoridad kung may kaugnayan din ang mga ito sa naturang crematorium.
Kaugnay niyan, kinundena ng Department of Agriculture-Bureau of Animal Industry ang insidente. Giit nila, ang maling pagtatapon ng mga labi ng hayop ay pwedeng magdulot ng kontaminasyon sa kapaligiran at panganib sa kalusugan ng publiko.
Binigyang-diin din ng ahensya na maaaring maimbestigahan at mapatawan ng kaukulang parusa ang mga mapatutunayang responsable sa kapabayaan, pang-aabuso o hindi pagsunod sa wastong paghawak at pagtatapon ng mga labi ng hayop, alinsunod sa mga umiiral na batas.
Samantala, nanawagan naman ang Philippine Animal Welfare Society o PAWS ng mas malawakang imbestigasyon at inspekisyon sa mga pet crematorium sa bansa upang matiyak ang pagiging legitimo ng kanilang operasyon at maprotektahan ang mga pet owner laban sa panloloko.
Naghahanda na rin ang Bacoor City Police ng mga kaukulang reklamong kriminal laban sa mga posibleng managot, habang nag-utos ang National Bureau of Investigation ng hiwalay na imbestigasyon kaugnay ng posibleng estafa.
Hinihikayat ang mga apektadong fur parent na isumite ang kanilang mga resibo, cremation certificate at iba pang dokumentong maaaring magsilbing ebidensya sa imbestigasyon. #
