Pagputol sa mga puno sa ilang kalsada sa Bataan, ikinabahala ng mga kabataan
Hindi lamang mga pumanaw na mahal sa buhay ang inalala ng ilang kabataan sa Bataan nitong nagdaang Undas. Nag-alay din sila ng kandila para sa mga matatandang puno na pinutol para sa isasagawang road widening sa lalawigan.

Sa pangunguna ng Young Bataeños for Environmental Advocacy Network (YoungBEAN) at Nuclear-Free Bataan Movement (NFBM) Youth, idinaos ang candle-lighting activity sa bayan ng Limay. Pagluluksa raw ito sa pagkawala ng mga puno sa kahabaan ng Roman Highway at iba pang national at provincial roads.
Binigyang-diin ng dalawang grupo ang halaga ng mga puno sa pagbibigay ng lilim, malinis na hangin at proteksiyon laban sa pagbaha, bukod sa nagsisilbi ring tirahan ng iba’t ibang uri ng hayop.
Inilahad naman ng Provincial Environment and Natural Resources Office (PENRO) ang konteksto ng proyekto. Ayon sa ahensya, ang pag-earthball at pagputol sa mga puno ay bahagi ng preparasyon para sa 32.15-kilometer Bataan-Cavite Interlink Bridge.
Ngunit ayon sa YoungBEAN, posibleng anyo ng ‘ecocide’ ang umano’y walang habas na pagsira sa kalikasan, lalo na kung walang sapat na konsultasyon sa mga residenteng maaapektuhan.
Nangangamba rin ang mga kabataan na lalong lumala ang epekto ng climate change lalo’t nakararanas na ng matinding pagbaha ang ilang komunidad sa lalawigan.
Samantala, nilinaw naman ng grupo na pabor sila sa pagkakarong ng mas ligtas at maayos na mga kalsada. Gayunpaman, iginiit nilang dapat maglatag ang pamahalaan ng mga alternatibong safeguards para maprotektahan ang kapaligiran.
Kaugnay nyan, nangako ang YoungBEAN na ipagpapatuloy ang pagpapalaganap ng kamalayan sa kabataan tungkol sa pangangalaga ng mga puno at pagsusulong ng climate-resilient na komunidad sa Bataan. #
