₱22-M halaga ng ilegal na petrolyo, nasamsam sa Bataan; 8 arestado
Nasamsam ng mga otoridad ang tinatayang ₱22-million na halaga ng ilegal na traded petroleum products sa isang anti-smuggling operation sa Brgy. San Benito, Dinalupihan, Bataan madaling araw ngayong Huwebes, July 16.
Arestado ang walong indibidwal sa operasyon na isinagawa ng pinagsanib na pwersa ng PNP Regional Special Operations Group, Regional Intelligence Division 3, CIDG Bataan, at iba pang police units.
Dalawa sa mga suspek ang nahuli umano sa akto habang nagbebenta ng produktong petrolyo nang walang kaukulang lisensya mula sa Department of Energy (DOE).

Nadakip naman ang anim pa matapos madiskubre ng mga otoridad ang mga fuel tanker truck at hindi otorisadong imbakan na ginagamit umano sa paglilipat at pagbebenta ng oil products na nakalaan sana para sa ibang consignee at destinasyon.
Umabot sa mahigit 104,000 litro ng petrolyo ang nakumpiska, kabilang ang 68,000 liters ng diesel, 20,000 liters ng unleaded gasoline, 7,600 liters ng premium gasoline, at 8,800 liters ng ethanol. Nasamsam din ang apat na fuel tanker truck, electric pump, at ilang dokumento na may kaugnayan umano sa operasyon.


Ayon sa pulisya, posibleng paglabag ito sa Batas Pambansa Blg. 33, na nagbabawal sa hindi otorisadong pagbebenta, distribusyon, at diversion ng mga produktong petrolyo. #
