Pulis na mastermind sa Jee Ick-joo case noong 2016, naaresto na
Hawak na ng pulisya si dismissed PLt. Col. Rafael Dumlao III na sangkot sa pagdukot at pagpatay sa South Korean businessman na si Jee Ick-joo noong 2016.
Batay sa ulat, nadakip si Dumlao nitong Martes, June 9, matapos ang ilang buwang pagtugis dahil sa pagiging convicted sa kaso. Itinuturing siya bilang mastermind sa kidnap-slay case ni Jee na dinukot mula sa Angeles City, Pampanga, at kalauna’y napatay sa loob mismo ng Camp Crame.

Una nang napawalang-sala si Dumlao ng Angeles City Regional Trial Court Branch 60 noong June 2023. Ngunit noong 2024, binaligtad ito ng Court of Appeals (CA) matapos pagbigyan ang petisyon ng People of the Philippines.
Sa desisyon ng CA, kinatigan nito na may ‘grave abuse of discretion’ sa naging pagpapawalang-sala kay Dumlao at itinuring na sapat ang mga ebidensya upang papanagutin siya sa kaso.
Kaugnay nito, hinatulan si Dumlao ng ‘reclusion perpetua without eligibility for parole’ para sa kidnapping with homicide. Bukod pa ito sa hiwalay na parusa kaugnay ng kidnapping and serious illegal detention at carnapping.
Ang kaso ni Jee Ick-joo ay isa sa mga pinakakontrobersyal na insidente noong kasagsagan ng anti-drug campaign ng Duterte administration dahil mismong mga law enforcer ang nasangkot sa pagdukot, paghingi ng ransom, at pagpatay sa dayuhang negosyante.
Samantala, inaasahang dadalhin si Dumlao sa kaukulang detention facility upang simulan ang pagpapatupad ng hatol laban sa kanya. #
