Posibleng ugnayan ng malalakas na lindol at aktibidad ng bulkan, tinalakay sa 35th Pinatubo Commemoration Forum
May epekto ba ang malakas na lindol sa galaw ng mga aktibong bulkan?
Bagama’t hindi lahat ng malalakas na lindol ay nasusundan ng pagputok ng bulkan, sinabi ni Dr. Christopher “Chris” Newhall, retired geologist ng United States Geological Survey (USGS), na may mga pagkakataong nakikita ng mga siyentipiko ang posibleng ugnayan ng dalawang pangyayari.
Ito ang naging pahayag niya nang tanungin kung may posibleng epekto ba ang kamakailang malakas na lindol sa Mindanao na umabot sa magnitude 7.8 sa mga aktibong bulkan sa bansa.
Ayon kay Newhall, matagal nang pinag-aaralan at pinagdedebatehan ng mga volcanologist at seismologist ang posibleng kaugnayan ng mga malalakas na lindol at aktibidad ng bulkan. Aniya, may ilang kaso sa mundo kung saan sinundan ng pagputok ng bulkan ang isang malakas na lindol, ngunit hindi ito agad-agad nangyayari at maaaring lumipas ang ilang buwan o maging ilang taon bago makita ang epekto.
Binalikan ni Newhall ang pagputok ng Bulkang Pinatubo noong 1991, na aniya ay posibleng may kaugnayan sa naunang magnitude 7.8 Luzon earthquake noong 1990.
Sa mga pag-aaral ng USGS, nakita na ang pagiging magkalapit sa panahon at lokasyon ng 1990 Luzon earthquake at muling paggising ng Mount Pinatubo noong 1991 ay nagpapahiwatig ng posibleng ugnayan ng dalawang pangyayari.
Gayunman, nilinaw ni Newhall na hindi nangangahulugang awtomatikong puputok ang isang bulkan matapos ang malakas na lindol.
Ipinaliwanag niya na mas mahalaga ngayon ang tuloy-tuloy na monitoring, maagang babala, at malinaw na komunikasyon sa publiko, lalo na sa bansang gaya ng Pilipinas na nasa Pacific Ring of Fire at may maraming aktibong bulkan at fault systems.
Ang pahayag ni Newhall ay ibinahagi sa forum kaugnay ng 35th commemoration ng Mount Pinatubo eruption sa Holy Angel University, kung saan muling tinalakay ang aral ng kasaysayan sa disaster preparedness, risk communication, at mabilis na pagtugon ng pamahalaan at komunidad.
Para kay Newhall, nananatiling mahalaga ang aral ng Pinatubo: ang siyensya, kung pakikinggan at gagamitin sa tamang panahon, ay kayang magligtas ng buhay. #
