CLSU graduate, Top 1 sa November 2026 Veterinarian Licensure Examination
Nanguna ang Central Luzon State University (CLSU) sa Science City of Muñoz, Nueva Ecija sa hanay ng topnotcher sa November 2026 Veterinarians Computer-Based Licensure Examination.
Lima sa kanilang mga graduate ang nakapasok sa Top 10.
Sa resultang inilabas ng Professional Regulation Commission (PRC), Top 1 ang Magna Cum Laude graduate at former beauty queen na si Michela Nicole Rivera na nakakuha ng 92.50% rating.

Sinundan naman siya ng apat pang examinees mula sa parehong unibersidad. Top 4 si Hannah Ella Marie Galang na may 91.46& rating; Top 6 si Gerome Briñes Sta. Maria na may 90.88% rating; Top 7 si Alvin Reyes Dela Cruz na may 90.80% rating; at Top 8 si Rema Grace Hernandez na nakakuha ng 90.56% rating.
Samantala, hindi lang sa mga topnotcher namayagpag ang mga pamantasan sa Central Luzon, dahil pasok din ang CLSU at Pampanga State Agricultural University (PSAU) sa listahan ng top-performing schools.
Pangalawa ang CLSU sa kategoryang may 100 o higit pang examinees at hindi bababa sa 80% passing rate. Sa 147 na kumuha ng pagsusulit mula sa unibersidad, 130 ang nakapasa o katumbas ng 88.44% passing rate.
Pangatlo naman ang PSAU sa kategoryang may 50 hanggang 99 examinees. Sa 59 na kumuha ng pagsusulit mula sa pamantasan, 49 ang nakapasa, na katumbas ng 83.05%.
Isinagawa ang naturang exam noong November 4-6, kung saan 1,083 sa kabuuang 1,503 examinees sa buong bansa ang nakapasa o katumbas ng 72.06% national passing rate. #
