Spiritual twinning ng simbahan sa Pampanga at Spain, isasagawa sa April 28

Magbubukas ng panibagong yugto ng ugnayang panrelihiyon ang isang parokya sa Pampanga matapos nitong makamit ang isang natatanging pagkilala mula sa isang basilica sa Barcelona, Spain.
Ito ay sa pamamagitan ng ‘spiritual twinning’ na kasunduang kumikilala sa matibay na debosyon ng Parish of Nuestra Señora de la Merced sa Bahay Pare, Candaba at ng Basilica of Mare de Déu de la Mercè and Saint Michael Archangel sa Mahal na Birhen ng Awa (Mother of God of Mercy).
Kasabay nito, iginawad sa parokya ang isang charter of spiritual sisterhood na sumisimbolo sa pagkakabuklod ng dalawang simbahan.
Layon nitong higit pang mapalalim ang pananampalataya at mapalawak ang kanilang koneksyon bilang bahagi ng Simbahang Katolika.
Itinuturing ang hakbang bilang mahalagang milestone para sa lokal na simbahan sa Pampanga, na magbibigay-daan sa mas malapit na ugnayan sa isang makasaysayang simbahan sa Europa.
Kaugnay niyan, isasagawa ang solemn declaration ng spiritual twinning sa darating na Martes, April 28 (9 AM), na sasabayan ng iba’t ibang liturgical rites at isang thanksgiving mass.
Pangungunahan ang naturang seremonya ni Apostolic Nuncio to the Philippines Archbishop Charles John Brown. #
