Aquino Byway Extension Project, may pagbabago sa direksyon
Nagkaroon umano ng pagbabago sa direksyon ng Aquino Byway Extension project sa Mexico, Pampanga, batay sa impormasyon mula sa isang reliable source na may kaalaman sa usapin sa DPWH Pampanga 1st District Engineering Office.

Sa halip na direktang ikonekta sa bahagi ng NLEX Mexico Exit, gaya ng orihinal na inaasahan ng ilan, nakatuon na umano ang kasalukuyang ruta sa koneksyon papunta sa Panipuan-Mexico Road.
Ayon sa source, ito umano ang isa sa dahilan kung bakit nananatiling usapin ang traffic sa bahagi ng Mexico Exit kung saan nagsasalubong ang mabibigat na logistics trucks, industrial traffic at regular na mga motorista.
Sa pananaw ng ilan, ang direktang linkage sana sa expressway junction ang maaaring magbigay ng mas malaking decongestion effect sa lugar lalo na sa lumalaking economic activity sa corridor ng Mexico at karatig-bayan.
Samantala, may initial map na nakuha ang CLTV36 News na nagmula umano sa Pampanga 1st DEO hinggil sa dating development concept ng proyekto. Patuloy pang bineberipika ng news team ang kabuuang detalye ng engineering alignment, right of way considerations at kung bakit nagkaroon ng pagbabago sa ruta ng implementasyon.
Para sa patas na ulat, nakipag-ugnayan na ang CLTV36 News sa infrastructure officers ng NLEX Corporation sa pamamagitan ni Head for Government Relations Allan Gregorio.
Kinumpirma naman ni Atty Romulo Quimbo ng NLEX na naiparating na ang concern at impormasyon sa kinauukulang opisyal ng kanilang tanggapan para sa posibleng pahayag o paglilinaw.
Naipahatid na rin sa tanggapan ni DPWH Secretary Vince Dizon ang usapin kaugnay ng Aquino Byway Extension. Ayon sa impormasyon ng CLTV36 News, sinabi umano ng kalihim na kabilang ito sa mga imprastrakturang natengga sa Central Luzon na nais nilang matingnan at mabigyan ng kaukulang aksyon. #
