3 Chinese, 1 Japanese national, arestado sa umano’y scam hub sa Angeles City
Arestado ang apat na dayuhan sa Angeles City, Pampanga kaugnay ng umano’y pagkakasangkot sa telecommunication fraud, online gaming scams, at iba pang illegal activities, ayon sa Bureau of Immigration (BI).
Isinagawa ang operasyon noong February 18 sa isang residential area sa Barangay Pampang, sa koordinasyon ng Philippine National Police–Anti-Kidnapping Group, kasunod ng intelligence reports hinggil sa operasyon ng umano’y scam hub sa lugar.
Naaresto ang tatlong Japanese nationals na sina Oi Riho, 27; Moriyama Yu, 31; at Kato Hiroaki, 42, kasama ang Chinese national na si Wang Xinyu, 32. Ayon sa mga otoridad, tinangka umanong umiwas ng mga suspek at sumakay sa sasakyan ngunit agad silang naharang ng mga operatiba.
Sa beripikasyon, nabigong magpakita ng passport at valid identification ang mga dayuhan.
Natukoy na overstaying at undocumented sina Oi at Kato, habang si Moriyama ay kinasuhan ng harboring illegal aliens at pagiging undocumented. Si Wang naman ay nahaharap sa kasong overstaying, pagiging undocumented, at undesirability.
Itinanggi ng mga suspek ang umano’y pagkakasangkot sa kidnapping at extortion, ngunit inamin ang partisipasyon sa scamming at online gaming fraud na umano’y nakabase sa Angeles City.
Batay sa intelligence units, si Wang ang tinuturong logistics head ng scam operations na responsable umano sa training ng mga tauhan at pamamahala sa operational requirements.
Dinala ang mga naaresto sa BI Warden Facility sa Camp Bagong Diwa sa Taguig matapos ang dokumentasyon. #
