2 malaking infra project sa Pampanga, nananatiling “bitin”
Dalawa sa itinuturing na major government infrastructure projects sa 3rd District ng Pampanga ang nananatiling hindi pa ganap na natatapos: ang Convention Center sa Calulut, at ang bypass road na inaasahang magkokonekta sa North Luzon Expressway (NLEX) Mexico Exit.
Batay sa source ng CLTV36 News, taong 2020 pa sinimulan ang konstruksyon ng Convention Center sa Calulut sa City of San Fernando. Bagama’t halos tapos na ang istruktura, may ilang bahagi pa rin ang nananatiling under construction, kabilang ang harapan at interior ng gusali.

Multi-year ang funding ng proyekto, at base sa impormasyon, una itong hinawakan ng Department of Public Works and Highways (DPWH) Pampanga 1st District Engineering Office, habang may bahagi rin sa implementasyon ang DPWH Region III.
Samantala, kabilang din sa tinututukan ang bypass road project na inaasahang magpapabilis ng daloy ng trapiko at magpapalakas ng koneksyon ng mga bayan patungo sa NLEX Mexico Exit — ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring malinaw na update sa progreso nito.

Patuloy pang kinukumpirma ng CLTV36 News ang opisyal na pahayag ng DPWH kaugnay sa estado at posibleng timeline ng pagkumpleto ng dalawang proyektong ito na matagal nang inaabangang mapakinabangan ng publiko. #
