18-days na search, rescue, & retrieval ops sa Balibago tragedy, nagtapos na
Opisyal nang tinapos ng Unified Command ang malawakang operasyon sa “ground zero” sa Barangay Balibago, Angeles City makaraan ang labingwalong araw na walang humpay na paghahanap sa gumuhong siyam na palapag na under-construction building.
Pormal na idineklara ang pagtatapos ng operasyon sa pamamagitan ng demobilization briefing at close-out meeting na pinangunahan ni Mayor Carmelo “Jon” Lazatin II, kasama ang mga opisyal ng Bureau of Fire Protection (BFP) at Philippine National Police (PNP).

Ayon sa ulat, umabot na sa 95% ng mga guho at debris ang nalinis ng Department of Public Works and Highways (DPWH) sa tulong ng iba’t ibang ahensya ng pamahalaan at mga volunteer group.

Nagpahayag naman ng pasasalamat si Lazatin sa lahat ng responders, rescuers, technical teams, at heavy equipment operators na isinakripisyo ang kanilang kaligtasan mula sa unang araw ng trahedya hanggang sa pagtatapos nito.

Matatandaang madaling-araw noong May 24 nang biglang gumuho ang itinatayong gusali, kung saan karamihan sa mga biktima ay mga construction worker na natutulog sa loob.
Sa huling tala ng mga otoridad bago ang tuluyang pagwawakas ng operasyon, umabot sa 30 indibidwal ang kumpirmadong nasawi. Sa bilang na ito, 27 ang tukoy na ang pagkakakilanlan, habang tatlo pa ang nananatiling unidentified, as of June 11 ayon sa BFP Central Luzon.
Samantala, nasa 27 naman ang matagumpay na nailigtas mula sa nasabing trahedya.
Kasunod ng pagtatapos ng operasyon, unti-unti nang lilikas ang mga nakatalagang tauhan at kagamitan sa lugar. Patuloy naman ang koordinasyon ng pamahalaang lungsod para sa mga susunod na legal at operational na hakbang hinggil sa insidente. #
