₱2.08-B SCTEX Pasig-Potrero Bridge Solution, sinimulan na sa Porac
Sinimulan na ang konstruksyon ng mahigit ₱2.08-billion na bridge solution project sa bahagi ng Subic-Clark-Tarlac Expressway (SCTEX) na tumatawid sa Pasig-Potrero River sa Porac, Pampanga.

Base sa project billboard, may kabuuan itong halaga na ₱2,088,888,888.88 mula sa corporate operating budget ng Bases Conversion and Development Authority (BCDA) at tinawag na “Pasig-Potrero Bridge Long Term Solution Package 1A: Bridge Solution.”
Nagsimula ang proyekto nitong July 22, 2026 at target matapos pagsapit ng January 7, 2029. Ipinagkaloob ang kontrata nito sa joint venture ng Grand Apex Construction Inc. at Almeria International Construction Corp., habang ang BCDA naman ang implementing agency.

Naging sentro ng matagal na pangamba ang kondisyon ng Pasig-Potrero River dahil sa quarrying activities sa lugar. Sa paglipas ng panahon, naiulat ang pagbabago sa riverbed at daloy ng tubig, bagay na pinangangambahang nakaapekto sa lupa at pundasyon sa paligid ng SCTEX bridge.
Dahil sa mga naging restriksyon at pag-aalala sa kaligtasan ng tulay, may mga pagkakataong inililihis sa MacArthur Highway ang mabibigat na sasakyan. Nagresulta ito sa mas mabigat na traffic sa mga komunidad at pangunahing lansangan na nagsisilbing alternatibong ruta.
Batay sa source ng CLTV36 News, nanawagan ang Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga sa mga kinatawan ng BCDA, North Luzon Expressway (NLEX), at mga contractor na tutukan hindi lamang ang mismong tulay kundi ang kabuuang rehabilitasyon at pamamahala sa Pasig-Potrero River.
Inaasahang hihingi ang Provincial Government ng malinaw na paliwanag hinggil sa disenyo ng proyekto, proteksyon sa bridge foundations, riverbed rehabilitation, flood-control measures at mga hakbang upang hindi na muling malagay sa panganib ang SCTEX bridge dahil sa patuloy na pagbabago sa Pasig-Potrero River. #
