Magalang Mayor Malu Lacson, itinanggi ang conflict of interest; hindi pa umano natatanggap ang reklamo sa Ombudsman
Itinanggi ni Magalang Mayor Malu Lacson ang mga alegasyon ng conflict of interest kasunod ng reklamong sinasabing inihain ng United Pilipinos Against Crime and Corruption (UPACC) laban sa kanya at iba pang personalidad sa Office of the Ombudsman.
Sa inilabas na press statement ng Office of the Municipal Mayor, sinabi ni Lacson na hindi pa niya natatanggap ang pormal na kopya ng reklamo. Aniya, sasagutin niya nang detalyado ang mga alegasyon sa tamang panahon at sa naaangkop na legal na forum sa sandaling opisyal na siyang mabigyan ng kopya.
Nilinaw din ng alkalde na siya at ang kanyang asawa ay ganap nang nag-divest ng kanilang interes sa Kingsmen Manpower Services noong May 2022, bago pa siya manungkulan bilang municipal mayor. Ayon sa kanyang kampo, wala ring aktibong operasyon ang Kingsmen at wala itong kontrata o manpower deployment sa Chuanxing Steel.
Nagbabala rin ang kampo ni Lacson laban sa pagpapakalat ng umano’y hindi beripikadong impormasyon at fake news na nag-uugnay sa alkalde sa criminal activities o conflict of interest. Iginiit ng alkalde na haharapin niya ang mga alegasyon sa pamamagitan ng legal na proseso sa sandaling matanggap ang reklamo.
Nauna nang sinabi ng UPACC na nagsampa ito ng mga reklamo sa Ombudsman laban kay Lacson at 10 iba pa kaugnay ng mga alegasyon ng graft and corruption, conflict of interest, abuse of authority at unexplained wealth. Mga alegasyon pa lamang ang mga ito at wala pang ipinapakitang pinal na finding o desisyon ng Ombudsman laban sa alkalde.
