DENR, naglabas ng notice of violation laban sa ACWD Septage Plant
Naglabas ang DENR – Environmental Management Bureau Region III ng Notice of Violation laban sa Angeles City Water District (ACWD) Septage Treatment Plant dahil sa umano’y hindi pagsusumite ng mga kinakailangang environmental monitoring report sa loob ng ilang taon.
Ayon sa notice na nilagdaan ni EMB Region III Director Martin Jose Despi, posibleng nilabag ng pasilidad ang Presidential Decree No. 1586 o Environmental Impact Statement System Law at Republic Act No. 9275 o Philippine Clean Water Act of 2004.
Batay sa records ng EMB, huling nakapagsumite ang ACWD septage plant ng Self-Monitoring Report noong ikalawang quarter ng 2022. Hindi rin umano ito nakapagsumite ng Compliance Monitoring Report mula nang ma-issue ang Environmental Compliance Certificate (ECC) ng pasilidad sa Guiao Compound, Magalang Road, Brgy. Cutud, Angeles City.
Inatasan ang ACWD na magsumite ng position paper sa loob ng 15 araw mula sa pagtanggap ng notice upang ipaliwanag kung bakit hindi ito dapat patawan ng administratibong parusa. Kabilang sa mga posibleng multa ang ₱50,000 sa bawat paglabag sa kondisyon ng ECC at higit ₱28,000 dahil sa kabiguang magsumite ng mga kinakailangang report.
Nilinaw ng EMB na ang mga ito ay mga posibleng administratibong parusa lamang at hindi pa nangangahulugang napatunayang responsable ang water district. Binigyan pa ang ACWD ng pagkakataong magsumite ng paliwanag at dumalo sa technical conference bago maglabas ng pinal na desisyon.
Nakatanggap din ng kopya ng notice ang Office of the City Mayor ng Angeles. Samantala, nananatiling usapin ang regulatory compliance ng halos ₱99-milyong septage treatment plant, na hindi pa rin ganap na napakikinabangan para sa regular na paggamot ng septage mula sa mga kabahayan at establisimyento sa lungsod.
Bahagi ang usaping ito ng nagpapatuloy na documentary series ng CLTV36 News tungkol sa kalidad at supply ng tubig sa Central Luzon. #
