Single-use plastic ban sa Mariveles, ipinatutupad na; kampanya kontra polusyon, ikinasa ng environmental groups
Nagsagawa ng public awareness campaign ang mga grupong YoungBataeños for Environmental Advocacy Network (YoungBEAN) at Nuclear-Free Bataan Movement (NFBM) para suportahan ang pagpapatupad ng Municipal Ordinance No. 31 na nagbabawal sa paggamit ng single-use plastic sa Mariveles, Bataan.

Ang aktibidad ay bahagi ng pagsuporta sa inisyatiba ng Sangguniang Bayan ng Mariveles na pakitunguhan ang lumalalang suliranin sa plastic pollution sa bayan.
Namigay ang grupo ng information materials at reusable tote bags na gawa sa mga lumang tarpaulin at streamer. Layunin umano nitong gabayan ang mga residente sa pagtalima sa ordinansa at mapabilis ang paglipat sa paggamit ng eco-friendly alternatives.


Kaugnay niyan, binigyang-diin ni YoungBEAN-PUP Chairman Raymart Pelicaño ang kahalagahan ng pakikiisa ng mamamayan sa nasabing patakaran.
“Ngayong buwan ng July, inilunsad natin ang serye ng iba’t-ibang aktibidad upang itaguyod ang pangangalaga sa kalikasan at isa rito ay ang pag-iwas sa paggamit ng single-use plastics. Kung kaya ang ordinansa na ipinasa ng ating SB ay isang mahalagang hakbang upang mabawasan ang paggamit ng single-use plastics at maisulong ang isang mas malinis, mas ligtas, at nagkakaisang bayan ng Mariveles,” ayon kay Pelicaño.
Pinasalamatan naman ng grupo ang principal author ng ordinansa na si Councilor Venancio Villapando Jr. at mga co-author nito na dumalo rin sa aktibidad upang magpakita ng suporta sa pagpasa ng patakarang nagpoprotekta sa kalikasan at kapakanan ng susunod na henerasyon.
Nanawagan din ang YoungBEAN at NFBM sa mga Bataeño na makiisa at iwasan na ang paggamit ng mga disposable plastic para sa mas malinis at sustainable na kapaligiran. #
