₱11.6-M shabu na itinago sa car parts, nasabat sa Pampanga
Mga piyesa ng sasakyan ang ginawang taguan ng tinatayang ₱11.6-million na halaga ng shabu na nasabat ng Bureau of Customs (BOC) – Port of Clark sa isang shipment mula South Africa na papunta sana sa Angeles City, Pampanga.
Nadiskubre ang kontrabando matapos makitaan ng kahina-hinalang imahe ang shipment sa X-ray inspection. Nagpositibo rin sa illegal drugs ang isinagawang K-9 sniff test kaya isinailalim ito sa 100% physical examination.

Sa pagsusuri, natagpuan sa loob ng dalawang engine piston at isang tensioner pulley kit ang 17 black and transparent plastic na naglalaman ng hinihinalang shabu. Tinatayang 1,706 grams ang kabuuang timbang ng mga ito at nagpositibo sa ‘methamphetamine’ sa paunang pagsusuri gamit ang Rigaku Spectrometer.
Kaugnay niyan, naglabas ang Customs ng Warrant of Seizure and Detention laban sa shipment dahil sa paglabag sa Customs Modernization and Tariff Act, kaugnay ng Republic Act No. 9165 o ang Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
Itinurn-over naman sa Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang mga nakuhang sample para sa confirmatory laboratory examination. #
