₱47.5-M ng ilegal na sigarilyo, nasamsam sa Tarlac
Nasabat ng Philippine National Police (PNP) ang nasa ₱47.5 milyong halaga ng ilegal na sigarilyo sa Tarlac City.
Isinagawa ang operasyon mula gabi ng February 9 hanggang umaga ng February 10 sa Sitio Pag-asa, Barangay Tibag, sa pangunguna ng CIDG Tarlac Provincial Field Unit, kasama ang iba pang law enforcement units.
Bahagi ito ng pagpapatuloy ng buy-bust operation noong Linggo, February 8, na nagresulta sa pagkaaresto ng apat na indibidwal dahil sa paglabag sa mga batas laban sa smuggling, consumer protection, at intellectual property.
Sa area checking, nadiskubre ng mga operatiba ang dalawang sasakyan na pinaghihinalaang ginagamit sa iligal na operasyon. Natagpuan sa loob ang 683 master cases ng smuggled cigarettes.
Dinala ang mga nasamsam na produkto sa tanggapan ng CIDG Tarlac para sa dokumentasyon habang patuloy ang imbestigasyon upang matukoy ang supplier sa likod ng operasyon. #
