Zambales 2nd District Rep. Maniquiz, nag-sorry; ire-retract ang panukalang pagpalit sa pangalan ng PRMSU
Humingi ng paumanhin si Zambales 2nd District Rep. Doris ‘Nanay Bing’ Maniquiz matapos umani ng reaksyon at batikos mula sa publiko ang panukalang batas na may kaugnayan sa pagpapalit ng pangalan ng President Ramon Magsaysay State University (PRMSU).

Sa kanyang pahayag, sinabi ng kongresista na agad niyang babawiin ang panukala sa susunod na sesyon ng Kongreso.
Iginiit din ng mambabatas ang kanyang paggalang sa pamilya ng dating pangulo at sa makasaysayang papel nito sa lalawigan ng Zambales.
Inamin naman ni Maniquiz na ang paghahain ng naturang panukala ay isang pagkukulang sa kanyang pagpapasya.
Naging sensitibo ang usapin sa Zambales dahil ang pangalan ni Ramon Magsaysay ay matagal nang simbolo ng dangal at identidad ng lalawigan. Ang dating Pangulo ng Pilipinas, na kilala bilang “Champion of the Masses,” ay itinuturing na isa sa pinakadakilang anak ng probinsya.
Para sa maraming residente at alumni, ang anumang hakbang na maaaring magtanggal sa pangalan ni Magsaysay sa isang institusyong pang-edukasyon ay tila pagbalewala sa kanyang legasiya.
Bukod sa kasaysayan, may ilang sektor din ang nagtanong sa prayoridad ng naturang panukala sa gitna ng mga kasalukuyang hamon sa ekonomiya.
May mga netizen na nagsabing sa panahon ng pagtaas ng presyo ng bilihin, gasolina at pamasahe, ang pagpapalit ng pangalan ng isang state university ay hindi agarang nakakatulong sa pang-araw-araw na pangangailangan ng mamamayan.
Ibinabato rin ang usapin ng posibleng gastos sa rebranding, na maaaring mangailangan ng pondo para sa bagong signage, official documents, diploma, at iba pang administratibong pagbabago sa unibersidad na may ilang campus sa lalawigan. #
