Wala pang opisyal na kumpirmasyon sa umano’y “nuclear waste” sa Brgy. Navaling: Magalang LGU
Naglabas ng opisyal na pahayag ang Lokal na Pamahalaan ng Magalang kaugnay ng mga kumakalat na impormasyon sa social media tungkol sa umano’y “confirmed nuclear waste” sa Brgy. Navaling. Ayon kay Mayor Malu Lacson, wala pa silang natatanggap na pinal na Search Warrant Implementation Report at wala ring opisyal na laboratory findings mula sa mga kinauukulang ahensya ng national government.

Iginiit ng LGU na ang pagtukoy kung may radioactive materials at kung may banta ito sa kalusugan ng publiko ay dapat nakabatay sa siyentipikong pagsusuri at opisyal na ulat, hindi sa mga haka-haka o impormasyong kumakalat sa social media.
Sinabi rin ng alkalde na patuloy silang nakikipag-ugnayan sa concerned government agencies upang makuha ang lahat ng kaukulang dokumento at resulta ng isinagawang operasyon. Kapag lumabas ang opisyal na ulat at mapatunayang may banta sa kaligtasan ng publiko, tiniyak ng LGU na agad silang magsasagawa ng nararapat na aksyon.
Samantala, nanawagan ang pamahalaang bayan sa publiko na manatiling kalmado, maging responsable sa pagbabahagi ng impormasyon, at hintayin ang opisyal na resulta ng mga otoridad bago magbigay ng konklusyon hinggil sa insidente sa Brgy. Navaling.
Nitong Sabado, July 18, nang sinalakay ng PAOCC at NBI ang Chuangxing Steel Incorporated sa naturang bayan kaugnay ng alleged violation sa Philippine National Nuclear Energy Safety Act. Sa isinagawang operasyon, nadiskubre ng mga otoridad ang radioactive-bearing raw materials, by-products, at waste materials na umano’y naglalaman ng Thorium isotopes. #
