Steel firm sa Magalang, iniimbestigahan dahil sa umano’y paglabag sa Nuclear Energy Safety Act
Radioactive-bearing raw materials, by-products, at waste materials na umano’y naglalaman ng Thorium isotopes — ito ang mga nadiskubre ng Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) sa pagsalakay sa Chuangxing Steel Incorporated sa Brgy. Nuvaling, Magalang, Pampanga noong July 18, 2026. Katuwang ng PAOCC sa pagpapatupad ng search warrants ang National Bureau of Investigation (NBI) at iba pang ahensya ng pamahalaan.
Isinagawa ang operasyon kaugnay ng umano’y paglabag sa Republic Act No. 12305 o ang Philippine National Nuclear Energy Safety Act. Kabilang sa mga nakibahagi sa operasyon ang Department of National Defense (DND), Philippine Nuclear Research Institute (PNRI), Philippine Air Force (PAF), at Philippine Coast Guard (PCG).

Batay sa ulat ng PAOCC, na-rescue ang 323 manggagawa — 283 Pilipino at 40 Chinese nationals — na nasa loob ng planta nang ipatupad ang search warrants. Ayon sa mga otoridad, tinatayang nasa 350 empleyado ang kabuuang workforce ng kumpanya. Dalawang pangunahing opisyal ng Chuangxing Steel Inc. ang natagpuan sa lugar at kabilang sa mga posibleng sampahan ng kaso kaugnay ng RA 12305.
Patuloy naman ang imbentaryo at pagsusuri sa iba pang radioactive materials, kontaminadong kagamitan, makinarya, lalagyan, at iba pa. Kumuha rin ng mga sample ng mga natapos na steel products na isinailalim sa laboratory examination ng PNRI.
Ayon sa PAOCC, nakabatay sa magiging resulta ng pagsusuri ang posibleng pagsasampa ng karagdagang kaso, kabilang ang mga paglabag sa Republic Act 6969 o ang Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990 at Republic Act 7394 o ang Consumer Act of the Philippines.
Samantala, isinailalim sa beripikasyon ang 40 Chinese regular employees matapos umanong mabigong makapagpakita ng wastong travel at work permits. Isinasagawa na rin ang kaukulang immigration at legal procedures sa pakikipag-ugnayan sa mga kinauukulang ahensya ng pamahalaan.
Binigyang-diin ni PAOCC Executive Director Benjamin Acorda Jr. na patuloy ang koordinasyon ng komisyon sa iba’t ibang ahensya upang matiyak ang pagpapatupad ng batas, mapangalagaan ang kaligtasan ng publiko, at mapanagot ang mga lalabag. #
