Tugboat na may kargang 15,000 litro ng diesel, lumubog sa Zambales; banta ng oil spill, mino-monitor
Tuluyang lumubog sa karagatan ng Botolan, Zambales ang isang tugboat habang isinasagawa ang emergency salvage operations umaga ngayong Lunes, August 24.

Ligtas ang lahat ng 10 manggagawang sakay nito at walang naiulat na nasugatan dahil agad umano silang tumalon sa dagat habang lumulubog ang bangka, ayon sa Philippine Coast Guard (PCG).
Bago ang insidente, isinadsad muna sa tugboat sa pampang matapos pasukin ng tubig ang butas sa hull nito. Dahil dito, napuno ng tubig ang engine room at kinailangang isagawa ang salvage operation para mailipat ang bangka sa mas ligtas na lugar.
Bandang 7:46 AM ngayong Lunes, habang hinihila ito palayo para ilipat sa mas ligtas na lugar, unti-unting tumagilid sa kanang bahagi ang tugboat at tuluyang lumubog sa tinatayang 24 metrong lalim.
Nabatid na may kargang humigit-kumulang 15,000 liters ng diesel ang tugboat nang mangyari ang insidente. Buo rin daw ang fuel tank nito pero mino-monitor ang lugar dahil sa posibilidad ng oil spill.
Nag-deploy na rin ang coast guard ng shoreline patrol sa paligid ng pinaglubugan at kahabaan ng Bucao River, at naghanda na ng mga absorbent pad sakaling makakita ng bakas ng langis sa dagat.
Samantala, inaalam pa ng PCG ang sanhi ng paglubog. Batay sa paunang imbestigasyon, may narinig umanong malakas na kalabog bago tuluyang lumubog ang tugboat.
Sinisilip ngayon ang posibilidad na baka tumama ito sa mga nakalubog na metal debris, kabilang ang bahagi ng isang dating lumubog na sasakyang pandagat sa lugar. Maaari rin daw na nakaapekto rito ang maalong kondisyon ng dagat.
Nakikipag-ugnayan na rin sila sa kumpanya, kapitan ng tugboat at iba pang concerned stakeholders upang pag-usapan ang susunod na hakbang hinggil sa diesel na karga nito. #
