Tiyuhin na nang-abuso ng pamangkin sa Pampanga, arestado sa Camarines Sur
Inaresto ng mga operatiba ng Criminal Investigation and Detection Group (CIDG) ang isang 57-anyos na lalaki sa Iriga City, Camarines Sur na suspek sa umano’y panggagahasa at pangmomolestiya sa kanyang menor de edad na pamangkin sa Lubao, Pampanga.
Kinilala ang salarin na si alyas “Emio,” na kabilang sa most wanted persons ng Pampanga Police Provincial Office at Lubao Municipal Police Station.

Ayon sa CIDG, isinagawa ang manhunt operation nitong Sabado, May 9, sa tulong ng Women and Children Complaints Unit at mga lokal na pulis ng Camarines Sur.
Batay sa imbestigasyon, anim na taong gulang pa lamang ang biktima nang umano’y abusuhin ito ng kanyang tiyuhin noong 2011 habang nasa poder nito sa Barangay San Juan, Lubao, Pampanga.
Dahil umano sa takot at trauma, matagal na hindi nakapagsumbong ang biktima hanggang sa sumailalim siya sa psychological consultation noong 2025 at kalauna’y ibinunyag ang kanyang sinapit.
Noong October 2025, naghain ng mga reklamong kriminal laban sa suspek. Inilabas naman ng korte sa Guagua, Pampanga ang warrant of arrest February 11 ngayong taon.
Ayon sa CIDG, nagtago ang suspek sa Camarines Sur upang takasan ang pag-aresto, ngunit kalaunan ay natunton at nahuli rin ng mga otoridad.
Nahaharap ang suspek sa kasong statutory rape na walang piyansa at sexual assault na may kaugnayan sa Republic Act 7610 o ang Special Protection of Children Against Abuse, Exploitation and Discrimination Act. ₱200,000 ang inirerekomendang piyansa para dito. #
