Sen. Hontiveros, umalma sa pagdawit sa Minority bloc sa gulo sa Senado
Mariing kinundena ni Senator Risa Hontiveros ang insidente ng pamamaril sa loob ng Senado nitong gabi ng Miyerkules, May 13, kasabay ng umano’y paggamit sa naturang isyu ng ilang personalidad para sa pamumulitika.

Ayon kay Hontiveros, pilit umanong inuugnay sa kanya at sa ilang miyembro ng Minority bloc ang pag-alis nila sa Senado matapos ang session para ilihis ang tunay na problema.
“Ito po ang katotohanan: tapos na ang session, kaya umuwi na ang mga empleyado. Ako, lumipad papuntang probinsya para sa scheduled na conference. Ang mga colleagues sa Minority, ang aming mga staff, pati ang marami sa aming mga katrabaho ay nag-uwian dahil tapos na ang trabaho,” saad ng Senadora sa kanyang Facebook page.
Hinimok din niya ang publiko na huwag gamitin sa pamumulitika ang pag-uwi ng mga empleyado ng Senado na aniya’y ginagawa lamang ang kanilang trabaho nang maayos.
“There is only one reason some bad faith actors are trying very hard to make this controversial event about me and other Minority senators and the times we went home. All this for a man who simply doesn’t want to face the law. That’s it. That’s the whole story,” aniya.
Ani Hontiveros, isang malaking kahihiyan umano ang karahasang naganap sa loob ng Senado na tila ginawa umanong “shooting range” ang institusyon.
Iginiit din ng Senadora na walang sinuman ang may karapatang angkinin o barikadahan ang Senado dahil ito ay pag-aari ng sambayanang Pilipino.
Muli rin niyang hinimok ang kapwa senador na si Sen. Ronald dela Rosa na makipagtulungan sa mga otoridad kaugnay ng arrest warrant laban sa kanya upang maiwasan umano ang karagdagang tensyon at karahasan.
Nanawagan din si Hontiveros ng isang malaya at buong imbestigasyon upang malaman ang buong katotohanan.
“We need to get to the bottom of this. The Filipino people deserve a full, independent, and unobstructed accounting. Walang takipan,” giit pa ni Hontiveros.
Sa kabila ng kontrobersiya, tiniyak ng Senadora na magpapatuloy ang Senado sa pagtupad sa tungkulin nito para sa taumbayan. #
