Syudad San Fernando, kinilalang Asia’s Leading Cultural City Destination sa 2026 World Travel Awards
Isa na namang makasaysayang pagkilala ang nakamit ng City of San Fernando, Pampanga matapos hiranging Asia’s Leading Cultural City Destination sa 2026 World Travel Awards, na inanunsyo sa gala ceremony sa Maldives noong September 27.
Tinalo ng kabisera ng lalawigan ang limang iba pang finalist na kinabibilangan ng Beijing, China; Delhi, India; Hue, Vietnam; Kyoto, Japan; at Seoul, South Korea, na pawang mga lungsod na kilala rin sa kanilang mayamang kasaysayan at kulturang kinikilala sa buong mundo.
Mula sa pagiging finalist sa parehong kategorya noong nakaraang taon, tuluyan nang naiuwi ng San Fernando ang prestihiyosong parangal, na kumikilala sa mayamang kasaysayan nito, kahusayan sa sining, at pagpapanatili ng mga tradisyon at culinary heritage.
Kabilang sa mga tampok na pamana ng Syudad ang mga kalesang nag-uugnay sa nakaraan at kasalukuyan, mga makasaysayang simbahan, mga pagkaing sumasalamin sa kulturang Kapampangan, at ang mga higanteng parol na taon-taong nagbibigay-liwanag sa lungsod tuwing Kapaskuhan.
Matagal nang kinikilala ang City of San Fernando bilang Christmas Capital of the Philippines dahil sa makulay nitong tradisyon ng Paskuhan. Sa bagong pagkilalang ito, higit pang naipakikita ang lawak ng kulturang Fernandino at ang kakayahan ng lungsod na makipagsabayan sa mga pangunahing cultural destinations sa Asya.
Mula sa pagiging tanyag na destinasyon tuwing Kapaskuhan, mas pinalalawak ngayon ng San Fernando ang pagkakakilanlan nito bilang isang lungsod na nagtataguyod ng kasaysayan, sining, kultura, at mga tradisyong patuloy na nagbibigay-buhay sa pamana ng mga Fernandino. #
