Steel factory sa Pampanga, bistado dahil sa umano’y radioactive materials at substandard products
By Noel Celeste, CLTV36 News
Ipinatigil na ng Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang operasyon ng Chuangxing Steel Incorporated sa Magalang, Pampanga. Ito ay matapos mabunyag sa imbestigasyon ng National Bureau of Investigation (NBI) at Presidential Anti-Organized Crime Commission (PAOCC) ang umano’y paggamit ng kumpanya ng radioactive-bearing industrial materials maging ang paggawa at pag-distribute ng substandard products.

Sa isinagawang pagsalakay ng mga ahensya noong July 18, nakumpiska ang mahigit ₱3-bilyong halaga ng radioactive-bearing at substandard steel products, mga kontaminadong kagamitan, at iba pang radioactive industrial materials. Inirekomenda ng NBI ang pagsasampa ng kaso laban sa 12 opisyal, incorporators, at stockholders nito, kabilang ang apat na indibidwal na una nang naaresto.
Nailigtas naman sa operasyon ang 347 Pilipino at 37 Chinese workers. Inirekomenda na rin ng Department of Health (DOH) ang karagdagang pagsusuri sa kalusugan ng mga manggagawa matapos madiskubre ang mga paglabag ng pasilidad sa labor, occupational safety, at environmental regulations. Sa kasalukuyan, 10 manggagawa ang hinihinalang na-expose sa radioactive materials.

Natuklasan din sa steel factory ang umano’y ilegal na pagtutunaw ng mga barya para gamitin sa produksyon.

Nadiskubre rin ang mga hindi idineklarang kagamitang pang-industriya, tulad ng hiwalay na furnace, anim na industrial lathe machines, iba pang heavy metalworking equipment, at mga tungsten pellets na umano’y walang kaugnayan sa declared manufacturing process ng kumpanya.

Batay sa isinagawang imbestigasyon, sinabi ng NBI na may sapat na batayan upang kasuhan ang Chuangxing Steel Incorporated dahil sa umano’y ilegal na pagmamay-ari, pagproseso, pagdadala, at paggamit ng radioactive industrial materials nang walang kaukulang permit at lisensya.

Pinaniniwalaan din ng mga otoridad na gumawa at nag-distribute ang kumpanya ng reinforcing steel bars na hindi pumasa sa itinakdang Philippine National Standards. #
