Silyang Pinoy 2.0: Modular, matibay at disaster-ready school chair
Kasalukuyang dine-develop ng DOST-Forest Products Research and Development Institute (DOST-FPRDI) ang Silyang Pinoy Version 2, isang multifunctional school furniture na maaaring magsilbing protective chair o barrier sa panahon ng lindol.
Gawa sa engineered bamboo, pwede itong gamitin bilang upuan at lamesa sa klase, at i-convert bilang kama kapag ang paaralan ay nagsisilbing evacuation center.
Modular ang disenyo kaya kung may masirang bahagi, pwedeng component lang ang palitan at hindi ang buong yunit. Matibay din ito at kayang tiisin ang hanggang 100 kilong pwersa, habang long-lasting at infestation-free ang engineered bamboo.
Ayon sa DOST-FPRDI, sumusuporta ang proyekto sa Executive Order No. 79, na naglalayong gumamit ng bamboo sa hindi bababa sa 25% ng school furniture ng Department of Education (DepEd). Nakakatulong din ito sa local bamboo farmers at furniture manufacturers.
Nasubukan na ang Silyang Pinoy sa mga piling paaralan sa Abra, Camiguin, at Palawan, kung saan napatunayan ang tibay at functionality nito. Inirerekomenda rin ang pagsusuri ng sukat ng furniture para sa mga estudyante sa secondary schools upang mas maging akma sa kanilang pangangatawan.
Noong 2024, nakamit ng Silyang Pinoy ang Silver Prize sa Seoul International Invention Fair sa Korea, na nagpapatunay sa kakayahan nitong makipagsabayan sa pandaigdigang merkado.
Pinayuhan ng DOST-FPRDI ang mga paaralan, local manufacturer, at iba pang stakeholders na makipag-ugnayan sa kanilang Provincial Science and Technology Office para sa technical assistance at posibleng adoption ng teknolohiya. #
