Selebrasyon ng Araw ng Kalayaan, sinabayan ng kilos-protesta laban sa nuclear energy at EDCA
Sinabayan ng kilos-protesta ng iba’t ibang sektor at progresibong grupo sa Luzon ang paggunita ng ika-128 na Araw ng Kalayaan ng Pilipinas.
Pinangunahan ito ng Alyansang KILUSAN kasama ang mga grupo ng manggagawa, magsasaka, mangingisda, kababaihan, at kabataan.
Tinawag nila itong “Breaking the Chains” o paglaya sa mga kadena at nanawagang itigil ang planong pagtatayo ng pabrika ng armas at bala sa Subic Bay.

Sa halip daw ay suportahan na lamang ang mga lokal na magsasaka at mangingisda upang mapalakas ang food supply sa bansa.
Kinuwestiyon din ng grupo ang Republic Act No. 12305 o ang batas na may kaugnayan sa paggamit ng nuclear energy, na anila’y lubhang magastos at may kaakibat na panganib.
Iginiit nila na mas dapat umunong paglaanan ng pondo ang edukasyon, serbisyong pangkalusugan, at mga proyektong nakatuon sa renewable energy.
Bukod dito, tinuligsa rin ng grupo ang pagpapalawak ng presensya ng American troops sa bansa at ang pagbuwag sa pasilidad na itinayo sa ilalim ng Enhanced Defense Cooperation Agreement (EDCA).

Binigyang-diin ng kilusan na inilalagay lamang nito sa panganib ang Pilipinas sakaling lumala ang tensyon sa rehiyon.
Samantala, nanawagan din ang grupo para sa mas malalim na pakikipagtulungan sa moga karatig-bansa sa Southeast Asia at isulong ang isang ASEAN Marine Peace Park sa West Philippine Sea.
Sa kabuuan, layon daw ng kilusan na isulong ang pambansang soberanya, kapayapaan, at mga economic reform na nakasandig sa pagpapaunlad ng agrikultura at industriya para sa kapakinabangan ng mamamayan. #
