Rep. Rivera, nagpiyansa sa 9 graft cases; Lucas, kinuwestiyon kung nasaan ang plunder charge
Nagpiyansa ngayong Martes, August 11, si Tarlac 3rd District Rep. Noel “Bong” Rivera para sa siyam na kasong graft na isinampa laban sa kanya sa Sandiganbayan.
Batay sa mga ulat, itinakda sa ₱90,000 bawat kaso ang piyansa, o kabuuang ₱810,000, kaugnay ng umano’y conflict of interest sa government infrastructure projects.
Kinuwestiyon naman ni Pyra Lucas ng United Pilipino Against Crime and Corruption (UPACC) kung bakit hindi kabilang ang plunder sa mga kasong isinampa sa Sandiganbayan.

Nauna nang naghain ang grupo ni Lucas sa Office of the Ombudsman ng reklamo para sa plunder at graft laban kay Rivera at iba pang respondent kaugnay ng umano’y anomalya sa mga infrastructure at flood-control projects.
“Kapag naghahanap tayo ng accountability, dapat iyong hindi nakakawala lalo na sa bigat ng kasalanan. Isipin ninyo, iyong nagnakaw ng mangga nakukulong; ito, bilyon ang kinita sa flood control,” pahayag ni Lucas.
Iginiit ni Lucas na dapat malinaw kung ano ang naging disposisyon sa plunder allegation na bahagi ng kanilang orihinal na reklamo.
Sa mga kasong kumpirmadong isinampa ng Ombudsman sa Sandiganbayan, siyam na graft counts ang kinakaharap ni Rivera. Wala namang kumpirmasyong kabilang dito ang plunder charge.
Samantala, ang paglagak ng piyansa ni Rivera sa graft cases ay hindi nangangahulugan ng pagpapawalang-sala, at nananatili siyang presumed innocent habang nililitis ang mga kaso. #
