Limang dayuhan, huli sa Central Luzon dahil sa immigration violations
Limang dayuhan ang nasakote ng Bureau of Immigration (BI) sa magkakahiwalay na operasyon sa Central Luzon dahil sa overstaying at kawalan ng kaukulang work permit.
Isinagawa ang mga operasyon sa Nueva Ecija, Bulacan, Zambales at Pampanga mula July 30 hanggang 31, ayon sa BI.
Kabilang sa mga naaresto ang dalawang Indian nationals, isang Chinese national at dalawang South Korean nationals.
Sa Cabanatuan City, Nueva Ecija, naaresto ang Indian national na si Sahil Kumar, 23, dahil sa overstaying at walang maipakitang valid passport o immigration document. Iniuugnay rin siya ng mga residente sa umano’y ilegal na lending business.
Sa Balagtas, Bulacan, naaresto ang isa pang Indian national na si Sharendran Doss Devadoss, 29, habang sa Subic, Zambales naman nahuli ang Chinese national na si Huang Pengpeng, 39, dahil sa pag-overstay.
Samantala, sa Angeles City, Pampanga, naaresto ang South Korean nationals na sina Jin Su Deok, 51, at Oh Eiseok, 49, dahil sa umano’y pagpapatakbo ng isang restaurant. Wala rin silang naipakitang visa at work authorization at iba pang valid immigration documents nang hanapan ng mga otoridad.
Dinala ang limang nahuli sa BI main office sa Maynila para sa booking, dokumentasyon at deportation proceedings. #
