‘Remix’ ng Lupang Hinirang sa isang rave party, umani ng batikos
Viral kamakailan ang isang video sa social media kung saan makikita ang grupo ng partygoers na nagja-jamming sa kantang Lupang Hinirang habang nagkakasiyahan.
Ang kanta kasi hindi original version ng ating pambansang awit, kundi ginawang remix.

Pinutakti ito ng batikos mula sa netizens. Marami ang nagpahayag ng pagkadismaya at iginiit na hindi nararapat gawing pang-aliw o entertainment ang national anthem.
May ilan ding nagsabing dapat itong tratuhin nang may paggalang bilang simbolo ng sakripisyo ng mga bayani at kasaysayan ng bansa.
Ang National Historical Commission of the Philippines (NHCP), nagpahayag ng pangamba sa naturang viral video.

Ayon sa komisyon, nakatanggap sila ng mga reklamo kaugnay ng insidente, na pinaniniwalaang naganap sa isang rave party sa U.S. noong Disyembre nang nakaraang taon.
Nilinaw ng ahensya na hindi saklaw ng batas ng Pilipinas ang mga pangyayaring naganap sa ibang bansa kaya limitado ang kakayahan nilang magsagawa ng legal na aksyon.
Gayunpaman, ipinaalala ng NHCP ang umiiral na Republic Act No. 8491 o ang Flag and Heraldic Code of the Philippines.
Nakasaad sa batas na dapat lamang tugtugin o awitin ang Lupang Hinirang batay sa orihinal na areglo at komposisyon ni Julian Felipe. Mahigpit ding ipinagbabawal ang paggamit sa kanta para sa aliwan o libangan.
Nasa 5,000 hanggang 20,000 na multa o hindi hihigit sa isang taong pagkakakulong ang maaaring kaharapin ng sinumang mapapatunayang lumabag sa kautusan.
Sa huli, iginiit ng NHCP na bagama’t mahalaga ang pagpapakita ng pagmamahal sa bayan, dapat umano itong isagawa nang may pag-iingat at paggalang. #
