Presyo ng gamot, posibleng maapektuhan ng krisis sa Middle East: DOH
Nagbabala ang Department of Health (DOH) na posible ring maapektuhan ng tumitinding tensyon sa Middle East ang presyo ng mga gamot at gastos sa pagpapagamot sa Pilipinas.
Ayon kay Health Secretary Ted Herbosa, mahigpit na mino-monitor ng pamahalaan ang sitwasyon dahil maaaring maantala ang pagdating ng imported medicines at medical supplies, na posibleng magdulot ng kakulangan sa supply kung lalala ang krisis.
Ipinaliwanag ng DOH na kapag nagkaroon ng disruption sa international deliveries, maaaring tumaas ang presyo ng gamot at hospitalization, na direktang makakaapekto sa mga pasyente at ordinaryong mamamayan.
Kaugnay nito, sinimulan na raw ng ahensya ang emergency planning, kabilang ang inventory check ng mga gamot at mahahalagang medical supplies para matiyak na may sapat na reserba sakaling magka-aberya sa supply chain.
Samantala, nilinaw naman ng DOH na sa kasalukuyan, wala pang kakulangan sa gamot dito sa bansa. Pero giit nila, mahalaga ang maagap na paghahanda para maiwasan ang mas malaking problema sa hinaharap.
Patuloy raw nilang babantayan ang global developments upang maprotektahan ang access ng publiko sa mas abot-kayang health services. #
