Presyo ng buhangin, posibleng tumaas kasunod ng oil price hike
Posibleng umabot sa ₱1,600 kada cubic meter ang presyo ng buhangin mula sa kasalukuyang ₱1,200 sakaling pumalo sa ₱90 kada litro ang diesel, ayon sa Porac Truckers Association.
Paliwanag ni Lennard Lansang, Board Director ng Porac Truckers Association, nakaaalarma na ang mabilis na pagtaas ng presyo ng diesel na nararamdaman nila halos isang linggo matapos sumiklab ang tensyon sa Middle East.
Dagdag pa niya, direktang naaapektuhan ang quarry at trucking industry sa Pampanga dahil diesel ang pangunahing gastos sa operasyon ng mga hauler.
Nagkaroon na rin aniya ng meeting ang truckers at quarry operators sa probinsya upang pag-usapan kung paano ipapaliwanag sa mga mamimili ang posibleng pagtaas ng presyo ng quarry materials dahil sa inflation sa operational cost.
Bukod sa diesel, isa pang nagpapabigat sa kanilang gastos ang pagtaas ng toll fee sa North Luzon Expressway (NLEX), lalo na sa mga biyaheng papuntang Metro Manila kung saan naroon ang karamihan sa kanilang mga parokyano.
Sa kasalukuyan, ang isang ordinaryong dump truck na nagkakarga ng buhangin mula Pampanga ay may kapasidad na 11 cubic meters. Kapag ipinatupad ang bagong presyo, maaaring umabot sa mahigit ₱17,000 ang halaga ng isang truckload ng buhangin.
Dagdag pa ng mga trucker, kasabay ng pagtaas ng gastos ay ang pagbagal ng construction industry, na ayon sa ilang stakeholder ay naapektuhan ng mga isyu ng korapsyon at pagkaantala sa ilang infrastructure projects. Dahil dito, nagiging limitado ang demand sa construction materials kahit pa tumataas ang operational cost ng mga supplier.
Nagbabala ang sektor na kapag nagpatuloy ang pagtaas ng presyo ng langis, maaaring lalo pang tumaas ang presyo ng construction materials, na posibleng magdulot ng domino effect sa housing at infrastructure projects sa Central Luzon at Metro Manila. #
