Mga bayan ng Tarlac, nagpasiklaban sa Kanlahi Festival 2026 Street Dance Competition
By Reyniela Tugay, CLTV36 News
Indakan, sigawan, at matinding suporta mula sa mga manonood ang bumungad sa Street Dance Competition ng Kanlahi Festival sa Tarlac na ginanap nitong Martes, March 3.
Nagtagisan ng galing ang iba’t ibang bayan sa pag-showcase ng kanilang kultura, kasaysayan, at pagkakakilanlan sa pamamagitan ng masining na dance choreography at makukulay na kasuotan.
Bawat grupo ay nagdala ng temang sumasalamin sa pinagmulan ng kanilang bayan—mula sa agrikultura, pananampalataya, hanggang sa makasaysayang tagpo na humubog sa kanilang komunidad.
Matapos ang masusing deliberasyon ng mga hurado, itinanghal na grand champion at best in costume ang bayan ng San Manuel. Namukod-tangi ang kanilang presentasyon dahil sa malinaw na konsepto, maayos na execution, at detalyadong disenyo ng kanilang mga costume.
Tinanghal namang 1st runner-up ang Moncada na pinahanga ang mga manonood sa kanilang synchronized movements at makabuluhang storytelling.
2nd runner-up at best in street parade naman ang Pura dahil sa kanilang organized at dynamic presentation sa mismong parada, habang nasungkit ng Bamban ang 3rd runner-up at 4th runner-up naman ang Victoria.
Ayon sa organizers, layunin ng Kanlahi Festival na ipagdiwang ang mayamang kultura ng lalawigan at hikayatin ang mas maraming bisita sa Tarlac.
Sa dami ng nakiisa, muling napatunayan na buhay at aktibo pa rin ang tradisyon ng mga Tarlakeño sa pamamagitan ng sayaw at sining, at patuloy nila itong ipinapasa sa susunod na henerasyon. #
