Presyo ng basic goods, walang pagtaas hanggang May 10: DTI
Tiniyak ng pamahalaan na mananatiling hindi magtataas ang presyo ng mga pangunahing bilihin hanggang sa May 10.
Ito ay bahagi umano ng hakbang para protektahan ang mamimili laban sa epekto ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.
Ayon sa Department of Trade and Industry (DTI), nakipagsundo ang kanilang tanggapan sa mga manufacturer at retailers upang panatilihing stable ang presyo ng basic necessities at prime commodities sa itinakdang panahon.
Kasabay nito, pinaigting din ng gobyerno ang pagbabantay sa presyo ng pagkain, gamot, at iba pang mahahalagang produkto upang maiwasan ang hindi makatarungang pagtaas ng presyo.
Bahagi rin dito ang pagbibigay ng suporta sa logistics, kabilang ang mga diskwento sa toll at bayarin sa mga pantalan, upang mapanatiling maayos ang daloy ng supply at maiwasan ang dagdag-gastos sa transportasyon.
Pinalalawak din ang mga inisyatiba sa food security, tulad ng pagbebenta ng murang bigas, upang masiguro ang abot-kayang pagkain para sa mga Pilipino.
Samantala, pinapabilis din ang implementasyon ng mga programang may direktang benepisyo sa publiko, lalo na sa sektor ng transportasyon at kabuhayan, upang agad maramdaman ang tulong sa gitna ng tumataas na gastusin. #
