Pondo ng Sto. Tomas para sa infra ng DPWH, pinakamalaki sa Pampanga; higit ₱1-B para sa 13 proyekto
Nanguna ang Sto. Tomas bilang lokal na pamahalaan sa Pampanga na may pinakamalaking nakalaang pondo para sa mga infrastructure project ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Sa ilalim ito ng 2026 program na tinalakay sa Provincial Development Council (PDC) special meeting nitong Lunes, April 27.
Base sa FY 2026 General Appropriations Act (GAA), sa higit ₱9.27 billion para sa 230 projects sa lalawigan, tumanggap ang Sto. Tomas ng ₱1,271,689,000 para sa 13 proyekto. Kabilang dito ang malaking pondo para sa Sto. Tomas NLEX Interchange na nagkakahalaga ng ₱195.727 milyon.
Sumunod naman ang Lubao na may ₱949.694 million para sa 20 proyekto, habang pangatlo ang Minalin na may ₱832.621 milyon para sa siyam na proyekto.
Isa rin sa pinakamalaking item sa buong listahan ang Lubao-Guagua-Minalin-Sto. Tomas Road na may kabuuang pondong ₱2.092 billion na dadaan sa ilang bayan sa kanlurang bahagi ng Pampanga.
Kabilang pa sa nakatanggap ng malalaking pondo ang City of San Fernando na may ₱728.975 million, Mabalacat City na may ₱712.134 million, Bacolor na may ₱683.526 million, at Guagua na may ₱630.912 million.
Ang pagpupulong ay pinangunahan ni Vice Gov. Dennis “Delta” Pineda na nanawagan sa mga alkalde, civil society groups, at mga residente na bantayan ang implementasyon ng mga proyekto upang matiyak ang maayos at tamang paggastos ng pondo.
Sa naturang meeting, ipinasa rin ng PDC ang resolusyon na nag-eendorso sa listahan ng mga proyektong nakahanay sa FY 2026 GAA para sa pagpapalabas ng pondo sa rehiyon. #
