Pinoy figure skater Michael Martinez, balik-kompetisyon sa November
May panibagong hamong gustong harapin ang Filipino Olympian na si Michael Christian Martinez, matapos ang ilang taong paglayo sa figure skating competition.
Sa kanyang Facebook post, ipinahayag ni Martinez ang kanyang paghahanda para sa 2026 Philippine National Figure Skating Championships ngayong darating na Nobyembre.
Pero hindi ito basta-basta comeback dahil kasabay ng kanyang pagsasanay ang pagtuturo sa mga young skater. Kailangan niya raw itong balansehin habang muling inihahanda ang sarili para sa kompetisyon.
Bagama’t aminado si Michael na hindi pa siya ganap na handa, patuloy raw siyang nagsasanay at ginagawa ang kanyang makakaya para sa laban.
Hindi na bago kay Martinez ang makipagsapalaran sa labas ng bansa para sa Pilipinas.
Noong 2014, sa edad na 17, gumawa siya ng kasaysayan bilang kauna-unahang figure skater mula sa Pilipinas na sumabak sa Winter Olympics sa Sochi, Russia. Nagtapos siya sa 19th place sa Men’s Singles.
After 4 years, noong 2018, muli niyang nirepresent ang bansa sa Pyeongchang, South Korea, kung saan nagtapos naman siya sa ika-28 pwesto.
Huling sumabak sa international stage si Martinez noong 2021 sa Finlandia Trophy at Cup of Austria bago pansamantalang tumutok sa full-time coaching.
Kaya naman bukod sa Nationals ngayong taon, target din ng 29-year-old figure skater na makabalik sa mga international na torneo sa taong 2027. #
