Bagong aklat tungkol sa kasaysayan at heograpiya ng Macabebe, inilunsad
Hindi lang mga lumang pangalan ng lugar ang mababakas sa kasaysayan ng Macabebe, Pampanga kundi pati ang pagbabago ng mismong lupang kinatitirikan ng mga pamayanan nito.
Ito raw ang ilan sa mga paksang tinatalakay sa aklat na “The Toponymy, History, and the Sinking of Macabebe” ni Dr. Ian Christopher Alfonso, na inilunsad sa St. Nicholas Academy nitong October 19.
Tampok sa aklat ang pinagmulan ng 697 pangalan ng mga lugar, pati na ang mga geographical at historical research na may kaugnayan sa paglubog ng ilang bahagi ng Pampanga.
Sa isang forum, binigyang-pansin ang ugnayan ng kasaysayan, heograpiya, at pamumuhay ng mga residente, lalo na sa mga pamayanang matagal nang naaapektuhan ng pagbaha.
Dumalo sa launching sina broadcast journalist Howie Severino, history professor Dr. Xiao Chua, Macabebe Vice Mayor Vince Flores at National Scientist Dr. Lourdes Cruz.
Ayon kay Alfonso, layon ng kanyang aklat na mapalalim ang pag-unawa ng publiko sa kasaysayan ng bayang kanyang pinagmulan at maitala ang mga pagbabagong humuhubog sa pagkakakilanlan nito. #
