Pinoy athletes, umarangkada sa iba’t ibang international sports competition
It’s raining gold para sa Team Pilipinas matapos maghatid ng karangalan sa bansa ang young Muay Thai athletes at si gymnastics superstar Carlos Edriel Yulo sa kani-kanilang international competition nitong weekend.
Sa nagpapatuloy na 3rd Asian Youth Games sa Manama, Bahrain, tatlong gintong medalya ang nasungkit ng mga pambato ng Pinas sa Muay Wai Kru events.
Unang nagningning si Lyre Anie Ngina sa Girls’ Wai Kru 14–15 division matapos niyang talunin ang pambato ng Malaysia at Thailand at makapagtala ng halos 9 perfect points.

Sinundan ito ni Zeth Gabriel Bueno na mas pinatindi pa ang laban sa boys’ category sa score na 9.17 points.

Hindi rin nagpahuli ang tambalang Tyron Jamborillo at Jan Brix Ramiscal na naghatid ng ikatlong gintong medalya para sa bansa sa Mixed Mai Muay competition, kung saan nakapagtala sila ng 9.20 points.

Dahil sa mga tagumpay na ito, umakyat ang Pilipinas sa medal tally ng Asian Youth Games na may anim na ginto, limang pilak, at anim na tanso.
Samantala, sa Jakarta, Indonesia, muling nagliyab ang kumpiyansa ni two-time Olympic gold medalist Carlos Edriel Yulo makaraang makuha ang gold medal para sa men’s vault sa pagtatapos ng 53rd FIG Artistic Gymnastics World Championships.

Nakapagtala si Yulo ng 14.886 points, mas mataas laban sa pambato ng Armenia at Ukraine.
Bukod pa rito, nakamit din ni Yulo ang bronze medal para naman sa floor exercise nitong Biyernes, October 24.
Sa pagsasama ng tagumpay ni Yulo at ng mga batang atleta sa Muay Thai, muling pinatunayan ng Team Pilipinas na hindi hadlang ang edad o laki ng bansa upang makipagsabayan at magtagumpay sa pinakamalalaking entablado ng pandaigdigang palakasan. #
