Pinalakas na produksyon ng kape at high-value crops, target ng bagong proyekto ng Angeles City LGU at Department of Agriculture

Itinurnover ng Pamahalaang Panlungsod ng Angeles ang dalawang mahalagang proyektong pang-agrikultura na inaprubahan ng Department of Agriculture (DA) para sa mga magsasaka ng Syudad.
Ang Coffee Processing Project at Corn & Cassava Production Support Project ay inilunsad sa City Agriculture Office upang palakasin ang kakayahan ng local farmers, indigenous growers, at mga coffee producer sa Angeles City.
Sa ilalim ng Coffee Processing Project, nakatanggap ang mga magsasaka ng hauling truck, coffee pulper, coffee roaster, stainless steel tables, vacuum packing machine, impulse sealer, crates, at shelving units.
Layunin nitong bawasan ang post-harvest losses, pababain ang gastos sa pagproseso, at pataasin ang kita ng mga magsasaka, lalo na ang mga katutubo.
Namahagi rin ang lungsod ng 3,000 coffee seedlings, organic neem extract pesticides, at water retention gel para sa mas episyente at pangmatagalang produksyon ng kape.
Samantala, ang Corn & Cassava Production Support Project ay nagkaloob ng knapsack sprayers, mga pataba, at foliar inputs na makatutulong sa climate-resilient farming, gayundin sa pagtaas ng ani ng mais at kamoteng kahoy.
Bahagi ang dalawang proyekto ng estratehiya ng lungsod para palakasin ang food security, kabuhayan ng mga magsasaka, at lokal na ekonomiya, habang tinitiyak ang partisipasyon ng mga katutubo at maliliit na magsasaka.
Binigyang-diin ni Mayor Jon Lazatin ang kahalagahan ng mga proyekto at ang tuloy-tuloy na suporta ng Pamahalaang Panlungsod sa sektor ng agrikultura. Aniya, malaki ang papel ng mga magsasaka sa pagbuo ng sustainable communities at mas matatag na siyudad.
Samantala, kabilang din sa mga dumalo sa turnover at awarding ceremony ang mga kinatawan ng City Agriculture Office at Sangguniang Panlungsod, bilang patunay ng suporta sa mga programang pang-agrikultura at local development. #
