PH inflation, sumirit sa 7.2% nitong Abril; pinakamabilis na pagtaas mula 2023
Sumirit pa ang nararanasang inflation o ang pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo sa Pilipinas nitong Abril.
Batay sa datos ng Philippine Statistics Authority (PSA), nasa 7.2% ito noong nakalipas na buwan, mula sa 4.1% noong Marso. Ito na rin ang pinakamabilis na pagtaas ng presyo mula pa noong Marso 2023.
Kaugnay niyan, pumalo rin sa 3.9% ang average inflation mula January to April 2026. Mas mataas ito kung ikukumpara sa 1.4% na naitala sa parehong panahon noong 2025.
Ayon sa PSA, ito ang isa sa pinakamalaking monthly increase na naitala mula pa noong dekada nobenta, bunsod ng matinding pressure sa presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Pangunahing nagtulak sa inflation ang presyo ng pagkain at non-alcoholic beverages na umakyat sa 6% mula 2.9% noong Marso 2026. Nag-ambag ito ng 31.9% o 2.3 percentage points sa kabuuang inflation.
Matindi rin ang naging pagtaas sa transportasyon na pumalo sa 21.4% mula sa dating 9.9%. Habang ang housing, water, electricity, gas, at iba pang fuel ay umakyat naman sa 8.2% mula 4.7%. Kapag pinagsama, mahigit 80% ng inflation ay nagmula sa tatlong sektor na ito.
Ramdam din ang bigat sa presyo ng bigas na lumobo sa 13.7% mula 3.5% lamang noong Marso. Nagmahal din ang presyo ng mais, isda at iba pang seafoods, at mga gulay.
Ipinunto ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) na kabilang sa mga nakikitang dahilan ng pagtaas ang patuloy na tensyon sa Middle East na nakaapekto sa presyo ng langis at transportasyon.
Tiniyak naman ng gobyerno na may mga hakbang sila upang maibsan ang epekto nito sa mga sektor tulad ng mga tsuper, magsasaka, at mangingisda. #
