Petisyon laban sa pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure, ibinasura ng Korte Suprema
Ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon na kumukwestiyon sa legalidad ng pagbuo ng Independent Commission for Infrastructure (ICI), isang independent body na inatasan ng Malacañang na mag-imbestiga sa mga umano’y anomalya sa flood control projects sa bansa.
Sa resolusyong isinulat ni Associate Justice Samuel Gaerlan, sinabi ng en banc ng Korte Suprema na hindi pumasa sa mga rekisito ng judicial review ang petisyong inihain ng ilang abogado laban sa Executive Order No. 94, series of 2025 na lumikha sa ICI.
Ayon sa mga petitioner, labag umano sa Konstitusyon ang kautusan, kabilang ang paglabag sa equal protection clause, panghihimasok sa kapangyarihan ng Kongreso, at ang umano’y pagbawas sa mandato ng Office of the Ombudsman at Commission on Audit. Kinuwestiyon din nila ang paggamit ng pondo nang walang malinaw na appropriation law.
Gayunman, sinabi ng Kataas-taasang Hukuman na nilabag ng mga petitioner ang doktrina ng hierarchy of courts dahil direkta silang dumulog sa Supreme Court nang walang sapat na dahilan para laktawan ang mababang hukuman.
Dagdag pa ng korte, nabigo ring patunayan ng mga petitioner na may aktuwal na kaso o kontrobersiyang umiiral, dahil hindi umano nila naipakita na may nilabag o may direktang masamang epekto sa kanila ang executive order.
Dahil dito, tuluyang ibinasura ng Korte Suprema ang petisyon, na nagbigay-daan sa patuloy na pag-iral ng ICI at sa mandato nitong magsiyasat sa mga isyu kaugnay ng flood control projects. #
