Pacquiao vs. Mayweather rematch, magaganap sa Sept. 19
Muling magbabanggaan ang dalawang boxing legend na sina Floyd Mayweather at Pambansang Kamao Manny Pacquiao para sa isang rematch na matagal nang inaabangan ng mga boxing fans.
Gaganapin ang kanilang sagupaan sa Sphere sa Las Vegas, USA sa darating na September 19, 2026, ayon sa post ng online streaming platform na Netflix nitong Martes, February 24.
Matatandaang huling nagtapatan sina Mayweather at Pacquiao sa tinaguriang “Fight of the Century” noong 2015.
Ito rin ang kinilala bilang laban na may pinakamalaking kita sa kasaysayan ng boxing na may 4.6 million pay-per-view buys.
Bagama’t nanalo noon si Mayweather via unanimous decision, nanatili ang kontrobersiya at debate sa kung sino sa dalawa ang tunay na dumomina sa laban.
Huli nasaksihan ang pag-apak sa boxing ring ni Pacquiao nitong nakaraang taon, matapos ang apat na taong pamamahinga. Nagtapos ang kanyang comeback fight kontra Mario Barrios sa isang majority draw.
Samantala, kamakailan lang nang inanunsyo ni Mayweather ang kanyang pagbalik sa professional boxing matapos ang tatlong taong retirement mula 2017, bagaman patuloy siya sa mga exhibition fights.
Matagal nang pinag-uusapan ang rematch na ito, at mas lalo pang umingay sa nakaraang announcement na ito ni Mayweather.
Inaasahan ng marami na sa kabila ng kanilang edad, ibibigay ng dalawa ang isang laban na sulit panoorin at muling magpapasigla sa boxing fans sa buong mundo. #
