Owner at contractor ng gumuhong gusali sa Angeles City, pinagbabayad ng ₱11.7-M ng DOLE
Pinagbabayad ng Department of Labor and Employment (DOLE) ang owner at contractor ng gumuhong gusali sa Brgy. Balibago, Angeles City ng mahigit ₱11.7-million matapos umanong lumabag sa labor standards at occupational safety and health rules.
Ayon kay Labor Secretary Francis Tolentino, natukoy ng ahensya na may pananagutan sina Jackson Lim at ang Golden Years Construction and Steelworks Corp. sa halagang ₱1,426,798.50 para sa labor standards violations at ₱10,324,000 bilang administrative fine sa ilalim ng Republic Act No. 11058 o ang Occupational Safety and Health Standards Law.

Lumabas sa imbestigasyon na nagpatuloy umano ang construction work kahit mayroon nang Work Stoppage Order mula sa DOLE, bagay na naglagay sa mga manggagawa sa mapanganib na sitwasyon.
Natukoy rin ang mga paglabag gaya ng hindi pagbabayad ng tamang sahod at benepisyo, underpayment, at hindi wastong bayad sa trabaho tuwing rest days, Sabado, at holidays.
Bukod dito, nakita rin ng DOLE ang serious safety violations kabilang ang kawalan ng personal protective equipment, permit sa mechanical lifting equipment, required safety officers, first aiders, at maayos na temporary accommodation para sa mga manggagawa.
Sinabi rin ni Tolentino na nagsumite umano ang kumpanya ng peke at invalid na certificates para sa project first aider at safety officer.
Dahil dito, ieendorso ng kagawaran ang records ng kaso sa National Bureau of Investigation (NBI) at sa Angeles City LGU para sa kaukulang aksyon at posibleng pagsasampa ng kasong kriminal.
Inamin din ng DOLE na may nakita silang gaps sa pagpapatupad ng labor laws kaya magpapatuloy ang administrative proceedings laban sa isang opisyal at ilang labor inspectors ng DOLE Regional Office 3.
Tiniyak naman ng kalihim na palalakasin ng DOLE ang monitoring at enforcement ng labor laws sa buong bansa upang maiwasan ang kahalintulad na trahedya.
Nauna na rin nilang sinabi na makatatanggap ng tulong ang pamilya ng mga nasawing manggagawa sa pamamagitan ng Employees’ Compensation Commission, kabilang ang funeral at financial assistance, depende sa verification ng kanilang SSS registration.
Nagbabala naman si Tolentino sa mga building owner, contractors, at employers na sumunod sa labor standards at occupational safety regulations upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang mga manggagawa. #
