Out-of-town activities ng mga kawani ng Pampanga Provincial Gov’t, bawal muna; carpooling, isinusulong
Ipinagbawal muna ng Pamahalaang Panlalawigan ng Pampanga ang extracurricular activities tulad ng out-of-town team building ng mga kawani ng lokal na pamahalaan.
Sa kabila ito ng inaasahang malaking rollback sa presyo ng produktong petrolyo, partikular sa diesel na umaabot sa mahigit ₱20, simula sa Martes, April 14.
Ayon kay Governor Lilia “Nanay” Pineda, nananatiling prayoridad ng probinsya ang pagtitipid at wastong paggamit ng pondo, lalo na’t patuloy na naaapektuhan ang annual budget ng local government unit (LGU) sa usapin ng mobility at transportasyon.
Sa halip, hinihikayat ang mga tanggapan ng LGU na magpatupad ng carpooling upang mabawasan ang gastusin sa biyahe at mapanatili ang episyenteng paggamit ng resources.
Binigyang-diin din ni Pineda na kailangang unahin ang mga mahahalagang proyekto ng lalawigan, habang ang mga aktibidad tulad ng taunang kapistahan ay dapat munang sumailalim sa masusing pagsusuri.
Giit ng gobernadora, bagama’t may rollback sa presyo ng langis, hindi pa rin natatapos ang krisis na kinahaharap ng ekonomiya kaya nararapat lamang ang disiplina sa paggastos at malinaw na pagtutok sa mga programang direktang makatutulong sa mamamayan. #
