North-South Commuter Railway, contributory sa matagalang pagbaha sa 4th District ng Pampanga
Hinarangan ng mga pundasyon ng riles ng tren ang natural na daluyan ng tubig kaya tumagal ang baha sa ilang bayan sa 4th District ng Pampanga.


Ito ang kinumpirma ni Minalin Mayor Philip Naguit sa kanyang Facebook update matapos makipagpulong sa mga kinatawan ng Department of Transportation (DOTr) nitong Sabado, November 14.
Kasama niyang humarap sa mga taga-DOTr sina Vice Governor Dennis Pineda at Pampanga Mayors League President at Apalit Mayor Jun Tetangco.
Tinalakay umano sa meeting ang patuloy na clearing operation sa mga kailugan kung saan nagdulot ng ‘obstruction’ ang North-South Commuter Railway Project (NSCR).
Ani Naguit, kabilang sa mga isusunod na gigibain ang mga istrukturang nakaharang sa daluyan ng tubig sa Barangay Lourdes at San Isidro sa Minalin.
Matatandaang nito lamang Setyembre nang simulan ng mga lokal na pamahalaan ng Minalin at Apalit o ng “Team Giba” ang pagtatanggal sa mga obstruction sa NSCR Right-Of-Way na nagpabagal sa paghupa ng baha sa ilang mga lugar.
Pinuri ito ni noo’y DPWH Secretary Vince Dizon na ngayo’y kalihim nang muli ng transportation department. #
