Pagtatanggol sa soberanya ng Pilipinas, sentro ng kilos-protesta sa Maynila kasabay ng 49th ASEAN Summit
Pagtutol sa presensya ng militar at impluwensya ng Estados Unidos sa Pilipinas ang iginiit ng iba’t ibang progresibong grupo sa isinagawang kilos-protesta sa Maynila ngayong November 16, kasabay ng pagpapatuloy ng 49th ASEAN Summit.

Nagtipon ang Kilusan para sa Pambansang Demokrasya at iba pang organisasyon sa Isetann Recto para kondenahin ang mga kasunduang militar at pang-ekonomiya na anila’y nakaaapekto sa kalayaan ng bansa na magpasya para sa sarili nitong interes.
Isinagawa ang pagkilos kasabay ng magiging pagdalo ni US President Donald Trump sa ASEAN-U.S. Special Summit sa Philippine International Convention Center o PICC sa Pasay City.
Kabilang sa mga tinutulan ng grupo ang siyam na Enhanced Defense Cooperation Agreement o EDCA sites, mahigit 500 joint military activities ngayong 2026, at ang paglalagay ng Typhon Missile System sa bansa.
Ayon sa Kilusan, maaari umanong madamay ang Pilipinas sa tunggalian ng Estados Unidos at China dahil sa lumalawak na military presence ng Amerika sa ating rehiyon.
Binigyang-diin din nilang hindi raw nangangahulugang kailangang umasa ang Pilipinas sa Estados Unidos upang ipagtanggol ang karapatan nito sa West Philippine Sea laban sa China.
Sa halip, iginiit ng grupo ang pagkakaroon ng isang foreign policy na hindi umano nakadepende sa dikta ng alinmang makapangyarihang bansa.
Samantala, hindi lamang usaping militar ang kanilang tinutulan. Kinondena rin ng mga organisasyon ang mga proyektong gaya ng Luzon Economic Corridor, Pax Silica, at Critical Minerals Partnership na may kaugnayan sa Estados Unidos.
Ayon sa kanila, pwedeng higit pang lumalim ang pagdepende ng bansa sa dayuhang kapital at teknolohiya dahil sa mga programang ito.
Nangangamba rin ang iba’t ibang grupo sa posibleng epekto ng mga naturang proyekto sa mga sakahan, lupang ninuno, likas na yaman, at kabuhayan ng mga mamamayan.
Giit nila, dapat unahin ang pagpapaunlad ng lokal na produksyon, seguridad sa pagkain, at sariling kakayahan ng bansa sa teknolohiya.
Kabilang sa mga lumahok sa protesta ang Workers for People’s Liberation, Liga at Ugnayan para sa Pagkakaisa ng Maralita sa Pilipinas, Pagkakaisa ng Samahan ng mga Mangingisda sa Pilipinas, Liga ng mga Organizasyon ng Kababaihang Nagkakaisa, Youth for Nationalism and Democracy, at Sentinels for Environmental Protection and Regeneration.
Nagdala rin ang mga grupo ng mga karatula at representasyon nina Trump, Pangulong Ferdinand Marcos, Jr., at ng proyektong Pax Silica upang ipakita ang kanilang mariing pagtutol sa mga patakarang anila ay nagsasakripisyo sa interes ng Pilipinas. #
