Negosyante sa Bulacan, huli sa pagpapaputok ng baril
By Nissa Alfaro, CLTV36 News
Arestado ang isang 45-anyos na negosyante matapos umanong magpaputok ng baril sa Brgy. Pinagkuartelan, Pandi, Bulacan gabi nitong Linggo, September 6.
Ayon sa Pandi Municipal Police Station, nakatanggap sila ng ulat hinggil sa illegal discharge of firearm na agad sinundan ng follow-up operation na nagresulta sa pagkakaaresto sa suspek na residente ng Brgy. Cacarong.

Nakumpiska sa kanya ang isang Rock Island Armory .45 caliber pistol, apat na magazine at 27 bala. Na-recover din sa lugar ang isang basyo ng .45 caliber ammunition.
Napag-alaman naman na expired na noon pang May 21, 2026 ang permit to carry, firearm registration at license to own and possess firearms ng suspek.
Inihahanda na ang mga kasong illegal discharge of firearms at paglabag sa Republic Act 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act laban sa kanya.
Isasailalim din sa ballistic examination ang baril at iba pang ebidensya, habang dadaan sa paraffin test ang suspek. #
