Municipal engineer ng San Simon, huli sa entrapment dahil sa umano’y pangingikil
Arestado ang municipal engineer ng San Simon, Pampanga matapos umanong manghingi ng karagdagang ₱50,000 kapalit ng pagproseso ng dalawang Certificate of Non-Coverage (CNC) para sa isang warehouse project.

Sa video na nakuha ng CLTV36 News mula sa CIDG Region 3, makikita ang aktuwal na pagtanggap at pagbibilang ng pera ng suspek na kinilalang si Engr. Benigno Bonus sa isinagawang entrapment operation ng mga otoridad hapon nitong Miyerkules, November 4.
Ayon sa CIDG, una nang nagbayad ng ₱80,000 ang complainant ng napagkasunduang halaga para sa building permit at CNC. Gayunman, nanghingi pa umano ang nasabing engineer ng dagdag na ₱50,000 o ₱25,000 kada certificate.
Pero giit ng CIDG, nasa ₱1,240 lamang ang standard processing fee para sa bawat CNC na inilalabas ng DENR-Environmental Management Bureau.
Nahaharap ang suspek sa reklamong robbery-extortion at paglabag sa Republic Act No. 11032 o ang Ease of Doing Business Act.
Sa panayam ng CLTV36 News sa hepe ng CIDG Region 3 na si Police Colonel Grant Gollod, inaasahan din nilang may iba pa raw na posibleng maghain ng reklamo kaugnay ng insidente. #
