Mongolian national, arestado dahil sa umano’y paniniktik
Inaresto ng mga operatiba ng Bureau of Immigration (BI) ang isang Mongolian national sa Iba, Zambales matapos umanong masangkot sa mga aktibidad na posibleng banta sa national security ng Pilipinas.

Isinagawa ang operasyon nitong Huwebes, February 12, sa isang aviation school sa Brgy. Lipay Dingin. Kinilala ang suspek na si Boldbaatar Bold-Erdene, isang pilot student na idineklarang undesirable alien matapos iugnay sa intelligence report na nagsasabing may background siya bilang jet fighter pilot at hinihinalang may koneksyon sa Chinese government.
Iniulat din na nagsagawa umano siya ng aerial photography sa paligid ng Iba Airport at Palauig River habang nasa flight exercises. Matapos ang pag-aresto, dinala ang dayuhan sa Maynila para sa proseso ng dokumentasyon bago ilipat sa pasilidad ng BI habang hinihintay ang deportation proceedings.
Iginiit ng ahensya na mahigpit nilang babantayan ang mga dayuhang lalabag sa kondisyon ng kanilang pananatili sa bansa, lalo na kung may epekto ito sa seguridad. #
